LABAN NI BANTAY
Ang aso na marahil ang pinakamatapat na alaga sa lahat ng mga hayop. Kahit pa kasi hindi sila nakapagsasalita, naipadarama naman nila sa kanilang mga amo ang kanilang pagmamahal. Kaya naman pamilya na rin ang turing ng mga dog owners sa kanilang mga alagang aso, at gagawin nila ang lahat para lang mapagaling ang nararanasan nilang karamdaman. Tulad na lang ni Virgilie na kahit hirap sa buhay ay pilit pa ring nagsisikap para maitawid ang pagpapagamot sa alagang si Manda na sa kasalukuyan ay kailangang sumailalim sa chemotherapy dahil sa lumalaki nitong bukol sa bibig. Para maibsan ang paghihirap ng mga asong may sakit gaya ni Manda, handang tumulong ang mga alagang aso ni Micah sa pamamagitan ng pagdo-donate ng dugo sa mga asong nangangailangan. Inalam ng dog lover ding si Kara David ang pinagdaraanang pagsubok ng dog cancer patient na si Manda.
TIKTOK HORROR STORIES
Noong una, puntahan lang ang video sharing app na Tiktok ng mga naghahanap ng mabilisang pampalipas oras dahil sa mga nakaaaliw at kwelang videos dito. Hanggang sa naging platform na rin ito sa mga maiiksing instructional videos para naman sa mga gustong matuto. Pero ngayon, unti-unti na rin itong nagiging lugar ng kababalaghan dahil sa mga horror stories na shine-share sa app na ito. Sa Tiktok ibinahagi ng content creator na si Goldie ang makapanindig-balahibo niyang karanasan habang gumagawa ng content sa harap ng tanyag na Laperal White House sa Baguio. Sa tulong ng paranormal expert na si Ed Caluag, susuriin ni Aubrey Carampel ang totoong istorya sa likod ng mga Tiktok horror videos na ito.
MAGPAREHISTRO KA!
Dahil sa kaliwa’t kanang anunsyo ng mga pulitiko, walang dudang nangangamoy eleksyon na nga! Pero bago pa man makapili ng napupusuan niyong kandidato, kinakailangan munang magparehistro para siguradong mabilang ang iyong boto. Ito ang panawagan ng Commission on Elections o COMELEC para sa mga kabataan at first time voters na nais makibahagi sa Eleksyon 2022. Dahil dito, inilunsad ang iba’t ibang kampanya para maengganyo ang mga kabataan na i-flex ang kanilang kapangyarihan at boses para sa pagbabago ng bansa, tulad na lang ng pinuntahang website ni Joseph Morong na magparehistroka.com na sadyang ginawang makulay na parang komiks para makatulong sa pamamahagi ng impormasyon tungkol sa papatapos nang voter’s registration.
Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:50 ng gabi, sa iisang Brigada sa GTV.
0 comments :
Post a Comment