1 programa.
23 taon ng makabuluhang dokumentaryo.
4 na espesyal na istorya mula sa mga batikang dokumentarista.
I-WITNESS
23rd Anniversary specials
All Saturdays of November, 2022
November 5, 2022
“Ang Huling Pag-ibig ni Rizal”
Dokumentaryo ni Howie Severino
Sa ika-dalawampu’t tatlong anibersaryo ng I-Witness, isang mahabang paglalakbay tungo sa pagkilala sa ating pambansang bayani na si Jose Rizal ang bibigyang wakas ni Howie Severino.
Mula sa Calamba, ang bayang sinilangan ni Rizal, patungong Espanya kung saan siya naging estudyante, ngayon naman ay pupunta si Severino sa Dapitan. Dito raw ang pinaka-produktibong apat na taon ni Rizal. Hindi lang siya naging tanyag na ophthalmologist sa Southeast Asia, kundi nagtatag din ng eskuwelahan, nakadiskubre ng bagong hayop, at tumulong sa pamayanan. At dito rin nakilala ni Rizal ang kaniyang huling irog.
Bagamat hindi sang-ayon ang pamilya at maging ang simbahan sa samahan nina Rizal at Josephine Bracken, pinanindigan ito ng ating pambansang bayani hanggang sa huli.
Anu-ano ang mga bakas na naiwan ni Rizal sa Dapitan?
November 12, 2022
“Hiram na Lupa”
Dokumentaryo ni Atom Araullo
Dump and fill, o mas kilala sa tawag na reclamation. Sinasabing nakatutulong ang reclamation projects para mapalakas ang ekonomiya ng bansa. Pero bakit mahigpit itong tinututulan ng ilang grupo?
Sa Coron, Palawan, isang reclamation project ang ipinahinto ngayong taon ng Philippine Reclamation Authority. Sabi ng PRA, hindi raw awtorisado ang proyekto na pinangunahan ng Palawan Provincial Government at mga kasosyong kumpanya. Sa pagpunta ng I-Witness sa lugar, natuklasang maliban sa inabutang nakatiwangwang ang nasa 22 ektarya na reclaimed area, natuklasan din ang iba pang sanga-sangang problema rito.
Benepisyo o peligro nga ba ang hatid ng ganitong mga proyekto?
November 19, 2022
“400 Kilometro”
Dokumentaryo ni Kara David
Apat na raang kilometro. Tatlong araw. Tatlong tao na may magkakaibang misyon pero pinagbuklod ng iisang destinasyon.
Kasalukuyang nagtatrabaho sa Maynila ang 32 taong gulang na si Reiner. Habang ang kanyang mag-ina, nakatira sa Daraga, Albay. At sa hirap ng buhay, imbis na sumakay ng bus at gumastos ng pamasahe, pumapadyak si Reiner ng mahigit apat na raang kilometro papuntang Bicol para lang makapiling ang kanyang pamilya. Hindi iniinda ang pagod, natutulog sa lansangan at kung minsa’y nakikisakay pa sa mga dumaraang truck.
Minsan nang sinubukan ng 71 taong gulang na si Jorge na magbisikleta hanggang Bicol. Pero pagdating sa isang bayan sa Quezon, hindi na niya kinaya ang pagod at bumalik na lang. Dahil hindi na raw bumabata, hamon ni Jorge sa sarili na matupad ang kanyang pangarap na masilayan ang ganda ng bulkang Mayon. Sa pagkakataong ito, makahugot na kaya siya ng lakas para sa isang panibagong ekspedisyon?
Isang dating scholar din ni Kara David ang kanyang pupuntahanan sa Albay. Sa loob ng limang taon, ngayon pa lang sila magkikita. At papunta sa destinasyon, papadyak din si Kara ng mahigpit apat na raang kilometro, kasama sina Reiner at Jorge.
Magkakaibang misyon pero iisa ang destinasyon. Anong mga aral kaya ang matututuhan nila sa kakaibang ekspedisyong ito?
November 26, 2022
“Sa Mata ni Joel”
Dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo
Taong 1995 itinatag ang Eye Bank Foundation. Ito ang nag-iisang central eye bank sa Pilipinas na pinamumunuan ni Dr. Dominga “Minguita” Padilla.
Matagal nang problema sa Pilipinas ang kakulangan sa organ donors. Hindi pa rin daw kasi mulat ang mga Pilipino sa tulong na kayang ibigay ng organ donation.
Pero maliban sa pag-dodonate ng organs, ang cornea ay isa sa mga bahagi ng mata na maaari ring i-donate.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 300 ang nangangailangan ng corneal transplant sa Pilipinas. Bago magkaroon ng pandemya, sagana sa corneal donors ang Eye Bank Foundation. Pero ngayon, kakaunti na lang ang mga nagdodonate nito.
Isa sa mga nangangailangan ng corneal transplant ay ang 72 taong gulang na si Joel Emilia, isang janitor sa barangay. Tinanggal na ang kanyang kanang mata at pinalitan ng artificial eye. Dalawang taon na ang nakalipas nang sumailalim siya sa operasyon ng kaliwa niyang mata dahil sa impeksyon, pero noong 2021 lamang, tuluyan na ring nabulag ang nag-iisa niyang mata. Dahilan para tumigil siya sa pagtatrabaho.
Siya na lang sana ang inaasahan ng kanyang asawa at kapatid na isang Person with Disability o PWD. Wala siyang anak at ngayon ay umaasa na lang sa tulong na ibibigay ng kanyang pamangkin.
Makamit na kaya ni Joel ang pangarap na makakitang muli?
Huwag palalampasin ang month-long 23rd Anniversary Special ng I-Witness simula ngayong Sabado, ika-5 ng Nobyembre, 10:30pm sa GMA.#
Month-long 23rd Anniversary Special ng ‘I-Witness’, magsisimula na ngayong Sabado!
Source: Philipines News Journal
0 comments :
Post a Comment