STORIES OF HOPE: “PINOY ADOBO”
August 8, Linggo ng hapon, 4:35 PM sa GMA
Isa ito sa pinakapaboritong ulam nating mga Pinoy. Bawat lugar ata sa bansa, may sariling bersyon nito—ito ang Pinoy adobo. Ang putaheng ito, naging daan din para mabigyang pag-asa sa buhay ang ilan nating kababayan.
Gaya ng ibang negosyante, naapektuhan ng pandemic ang sikat na food vlogger na si Ryan Reyes o mas kilala bilang Ninong Ry. Pansamantalang nagsara noong nakaraang taon ang kanilang chicken product business dahil na rin sa mahigpit na lockdown. Doon na niya naisipang mag-vlog.
Ang kanyang classic adobo recipe, minana raw niya sa kanyang ama na mahilig ding mageksperimento sa pagkain. Ni sa hinagap, hindi inakala ni Ninong Ry na aabot ng daang milyong tao ang manonood sa kanyang cooking videos.
Kakaibang adobo naman ang ibinibida ng mag-asawang Atom at Clarisse Roman. Ang kanilang adobong tahong, minana pa raw ang recipe mula sa kanilang lolo Reynaldo. Malaki rin ang naitulong ng adobong tahong business nina atom para mabigyan ng kabuhayan ang ilang nawalan ng trabaho ngayong may pandemya.
Dahil sa pagsisikap nina Atom at Clarisse, nakapundar na rin sila ng ilang properties.
Sa garahe ng kanilang bahay, nagsimula ang adobo restaurant nina Mark Urbano. Habang lumalaki ang kanilang adobo restaurant, isang masamang balita ang natanggap nina Mark.
Natuklasang may stage 4 brain cancer ang kanilang anak na si Enrico. Para makatulong sa pagpapagamot ni Enrico, kinailangan nilang ibenta ang kanilang bahay at adobo restaurant noong 2017. Sinubukan nilang muling buksan ang restaurant noong 2019 sa isang bagong lokasyon, pero nangyari naman ang pandemic noong 2020 kaya kinailangan nilang muling magsara. Ang mas malaking dagok, September 2020, tuluyang binawian ng buhay si Enrico.
Pero matapos ang matinding pasubok, handa na raw silang bumangon. Ibinalik nina Mark ang kanilang adobo business online.
Abangan ang kanilang kuwento sa “Pinoy Adobo” sa Stories of Hope ngayong Linggo, August 8, 4:35pm sa GMA 7.
0 comments :
Post a Comment