ARUGA
AUGUST 26, 2021
Sa likod ng pag-arte at pagpapatawa niya sa telebisyon, pelikula at sa social media, may mabigat na responsibilidad si Candy Pangilinan. Mag-isa niyang pinapalaki ang anak na si Quentin, 17 taong gulang.
11 months old nang na-diagnose na may attention deficit hyperactivity disorder o ADHD under the autism spectrum si Quentin. Ibinabahagi ni Candy sa social media ang mga karanasan at parenting style niya sa anak.
Kwento ni Candy, hindi niya iniiwang mag-isa si Quentin noong maliit pa. Kung may trabaho, sinisiguro raw niya na may kasama ang anak sa bahay. Pero habang lumalaki, tinuturuan niya si Quentin na maging independent. Sinasanay siya sa pagluluto, pagbe-bake, paghihilamos at pag-aaral.
Gaya ni Candy, may developmental disability ang anak ni Mang Rolando Niangar, na si Jewelyn, 18 taong gulang. Nasundan ng Reporter’s Notebook ang pagbiyahe ng mag-ama papunta sa Philippine Children’s Medical Center kung saan may therapy si Jewelyn. Mula bahay, karga-karga ni Mang Rolando si Jewelyn papuntang ospital. Hindi raw kasi puwedeng pumalya sa therapy ang anak.
Anim na buwang gulang pa lang si Jewelyn nang ma-diagnose na mayroon siyang cerebral palsy at meningitis. 18 years old na siya pero parang pitong taong gulang na bata ang katawan niya. Bukod sa hindi nakakalakad, hindi rin siya nakakapagsalita. Pero naiintindihan daw ni Mang Rolando ang mga ginagawang tunog ni Jewelyn.
900 pesos ang bayad kada therapy session ni Jewelyn at apat na beses kada buwan ang schedule niya sa ospital. Para sa therapy at pamasahe, kailangan nila ng 4,600 pesos kada buwan. Hindi pa kasama diyan ang gamot na kailangan ni Jewelyn.
Ano nga ba ang suportang puwede nilang asahan?
Abangan ang buong kuwento ng “ARUGA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, August 26, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.
0 comments :
Post a Comment