VOTE PH
SEPTEMBER 9, 2021
Sa mahabang pila sa munisipyo ng Rodriguez, Rizal, nagbakasali si Lolo Jose Lagumbay, 79 years old na makakuha ng ayuda mula sa Social Amelioration Program o SAP noong May 2020. Pumila siya noon para makakain ang pamilya at makabili ng gamot para sa asawa niyang na-stroke.
Pero walang nakuhang ayuda noong araw na iyon si lolo Jose. Pagkatapos maiere ang kanyang kwento, ilang nakapanood ang nagpahatid ng tulong sa kanila. Nabigyan din siya ng ayuda ng LGU dalawang araw matapos namin siyang ma-interview.
Hindi naman nagkulang sa pagsisikap ang matanda. Bago magka-pandemic, pagtatanim at pagbebenta ng gulay ang hanapbuhay niya.
Pero nang mag-lockdown, hindi sila pinayagang lumabas at magbenta ng paninda. Kaya ganoon na lamang daw siya ka-emosyonal nang hindi makakuha ng ayuda.
Hanggang ngayon kahit delikado para sa gaya niyang senior citizen ang lumabas, tuloy sa paghahanapbuhay si Lolo Jose. Nag-iipon kasi siya para may pangkain at may pambili ng gamot ang asawang si Lola Vivencia.
Pinadapa man ng pandemya, walang balak na magpatalo rito si Lolo Jose. Walong buwan mula ngayon, pipila siya ulit, hindi para sa ayuda, kundi para gawin ang para sa kaniya ay pinakamahalagang bahagi niya bilang isang mamamayan–ang bumoto sa May 2022 eleksyon. Sa araw na iyon, alam niyang magkakaroon siya ng kapangyarihan. Ito ang pumili ng lider na posibleng tutugon sa mga problema nila.
Mahirap ang panahong ito para sa lahat, matanda man o bata. Gaya ng ibang estudyante, malaking hamon ngayon para kay Felly Limboy, 19 years old ang online class. Nasa 2nd year college na siya ngayon sa kursong psychology. Desidido si Felly na makapagtapos sa pag-aaral. Ang pangarap niya, matulungan ang pamilya para makauwi na ng Pilipinas ang nanay niyang OFW sa Dubai.
Pagkatapos ng online class ni Felly, may isa pa siyang importanteng lakad. Magpaparehistro siya bilang isang botante sa Eleksyon 2022.
Si teacher Marco Lovendino, 35 years old at isang humanities professor ng isang private school, may naisip namang paraan para mahikayat ang kanyang mga estudyante na bumoto. Ang isa sa mga project na binigay niya, magparehistro sila para sa darating na eleksyon.
Sabi ng COMELEC, umabot na sa higit 60 million ang registered voters para sa Eleksyon 2022. Kung dati, siksikan na ang botohon, paano kaya ngayong Mayo 2022 lalo na’t inaasahang magpapatuloy ang pandemya?
Abangan ang buong kuwento ng “VOTE PH” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, September 9, 2021, 11:30 PM sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.
0 comments :
Post a Comment