Paano naapektuhan ang mahihirap ng muling pagpapatupad ng ECQ?

 

BUHAY QUARANTINE
AUGUST 12 , 2021

Ilang beses nang naranasan ni Mang Gerry at ni Aling Opay ang mahigpit na community quarantine simula pa noong March 2020. Bawat ECQ at paghihigpit na malalampasan, inaasahan nilang magiging huli na. Pero hindi pa pala. Paano kaya sila makatatawid ngayon?

 

 

Sa Pulilan, Bulacan, araw-araw na nakikipagpatintero sa mga sasakyan si Gerry Sombillo habang sakay ng kaniyang sidecar. Mga lumang bote, plastik, at pira-pirasong bakal ang hanap niya. Dahil walang kahit anong suot na proteksyon sa kamay, hindi maiwasang masugatan si Gerry. Minsan daw, habang naghahanap ng kalakal, nakahahawak siya ng mga gamit na facemask, face shield, at iba pang PPE.

 

 

Maliit man daw ang kita, ang importante, may pambili na siya ng pananghalian para sa asawa at apat na anak. Sa apat na anak nina Gerry, isa ang dapat na nag-aaral ngayon: ang grade 2 na si Gabriel. Pero natigil ang bata sa pag-aaral ngayong may pandemya. Magkahalong module at online class kasi ang mode of learning sa eskuwelahan, at wala naman daw silang pambili ng gadget.

 

Bandang hapon, ang asawa naman ni Gerry na si Norie ang makikipagsapalaran sa kalsada para kumita. Streetsweeper si Norie ng kanilang barangay.

 

 

Ang isang taon at limang buwan ng pandemya, kalbaryong hindi matapos-tapos para kay Aling Opay Medina at sa kaniyang pamilya. Enero ngayong taon nang una namin silang makilala. Pagtitinda ng mga lutong ulam ang hanapbuhay nila noon. Hirap maglakad si Aling Opay matapos siyang ma-stroke nito lang 2020 sa gitna ng pandemya. Kahit hirap, tuloy sa pagnenegosyo si Aling Opay. Kailangan niya kasing makaipon ng pambili ng gamot. At dahil wala nang pambayad ng renta, napaalis sila sa inuupahang bahay at napilitang tumira sa maliit na silong sa gilid ng tren.

 

 

Kinumusta namin si Aling Opay tatlong araw mula nang magsimula ang Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Metro Manila. Sarado na ang maliit na karinderia nila. March 2021 pa pala nang tumigil silang magluto dahil sa tumal ng benta. Sa halip na ulam, tinapay at palamig na ang itinitinda ng mag-ina dahil mas mura raw ang puhunan dito. At ngayong may ECQ, lalo pa raw tumumal ang benta nila. Kakaunti na lang din kasi ang lumalabas at bumibili sa kanila.

Ayon sa NEDA, nasa 300 billion pesos ang inaasahang mawawala sa ekonomiya ng bansa sa muling pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila mula August 6 hanggang August 20, 2021. 250,000 naman ang madadagdag sa bilang ng mga mahihirap na indibidwal at 600,000 na trabaho ang apektado dahil sa quarantine restrictions. Habang naka-lockdown ang mga mamamayan, ano naman kaya ang pangmatagalang hakbang ng pamahalaan?

Abangan ang buong kuwento ng “BUHAY QUARANTINE” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, August 12, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.


About admin

This is a short description in the author block about the author. You edit it by entering text in the "Biographical Info" field in the user admin panel.

0 comments :

Post a Comment